dzme1530.ph

ICC investigators, hindi papapasukin sa Pilipinas!

Hindi papayagan ng gobyerno ng Pilipinas na makapasok sa bansa ang mga miyembro ng international Criminal Court (ICC) para magsagawa ng imbestigasyon sa kontrobersyal na war on drugs ng nakalipas na Duterte administration, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni DOJ Senior Undersecretary Raul Vasquez na matibay ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tapusin na ang ugnayan sa ICC kasunod ng pinakahuling desisyon nito na nagbasura sa apela ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa drug war.

Idinagdag ni Vasquez na dahil nasa investigation stage pa lamang ay nais ng mga imbestigador ng ICC na pumunta sa Pilipinas para simulan ang kanilang trabaho, subalit hindi aniya nila ito pahihintulutan.

Nilinaw naman ng opisyal na maari namang bumisita sa bansa ang ICC prosecutors subalit “subject to limitations.”

Nagbabala rin si Vasquez sa mga taga-ICC na magtatangkang pumasok sa bansa para mag-imbestiga na maari silang kasuhan ng usurpation of authority. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author