Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang gobyerno na maging mapagbantay pa rin sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.
Sa kabila ito ng tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC at paninindigan sa soberenya ng bansa.
Iginiit ng Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights na mahalaga pa ring ma-monitor ng gobyerno ang galaw ng ICC bagama’t tuluyan nang hindi ito makikipagugnayan at makikipagtulungan sa organisasyon.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas, ang tuluyang paghiwalay ng bansa sa ICC ay hindi mangangahulugan ng tuluyang pagkawala ng komunikasyon kaya makakabuti kung ipagpapatuloy ng Office of the Solicitor General ang pag-monitor sa anumang posibleng mangyari sa tribunal.
Mainam anyang nalalaman din ng gobyerno ang mga mangyayari sa naturang proceedings at takbo ng imbestigasyon laban sa bansa.
Binigyang diin pa ni Tolentino na may tsansang mabasura o maisantabi pa ang pagiisyu ng warrant of arrest laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa dahil mismong ang mga ICC judges ay hati ang desisyon sa drug war noon ng bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News