Naniniwala si Senador Francis Tolentino na dapat bigyang-diin sa naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) ang pagpanig ng dalawang mahistrado nito sa apela ng gobyerno na iatras ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Tolentino na kapuna-puna ang botong 3-2 na maging ang ICC ay hati sa desisyon at ang mabigat dito ang Chief Judge ng ICC ay panig sa Pilipinas.
Malinaw anyang ipinapakita rin ng resulta ng boto na hati ang international community at walang alinmang international organization ang makapanghuhusga at maaaring mambastos sa Pilipinas dahil ang ibang kagalang-galang na mahistrado ng ICC ay kampi sa bansa.
Sinabi ni Tolentino na sang-ayon siya sa dissenting opinion ng dalawang hukom kung saan klaro na wala na talagang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Sa dissenting opinion, hinayaan ng ICC na lumipas ang dalawang taon mula ng kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noong March 17, 2018 bago ito naghain ng kaso laban sa bansa noong May 24, 2021.
Pasok dapat aniya ang pagpapaimbestiga sa bansa kung hindi pinaabot ng ICC ang pagsasampa ng kaso sa effectivity ng withdrawal ng Pilipinas sa Rome statute noong March 17, 2019.
Idinagdag pa ni Tolentino na mayroon lamang dalawang components para masabing sakop pa rin tayo ng ICC, una ay dapat parte ang bansa ng Rome Statute at pangalawa ay dapat tinatanggap ng Pilipinas ang pagiimbestiga at hurisdiksyon ng ICC. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News