Aabot sa 51.5kgs ng iba’t ibang processed meat products ang kinumpiska ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa dalawang pasahero mula Indonesia.
Ayon sa BAI, dumating ang dalawang pasahero sakay ng PAL flight PR -536 na lumapag alas 7:00 ng umaga sa NAIA Terminal 1.
Base sa impormasyon, naharang ni Bureau of Customs (BOC) examiner Norman Peñaflor ang dalawang pasahero na may dalang mga produkto kabilang ang hotdogs, marinated na chicken nuggets at iba pang processed meat products at itinurn-over ito sa BAI.
Nabatid na bigo ang mga pasaherong magpakita ng certificate at import permit sa dalang mga produkto na mahigpit na ipinagbabawal na makapasok ng Pilipinas dahil sa pinangangambahang sakit na dala nito.
Ang mga nakumpiskang mixed processed meat products ay dadalhin ng BAI sa kanilang pasilidad para sa tamang disposal.
Samantala nasa 4.1kgs naman ng iba’t ibang halaman ang kinumpiska ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa NAIA dala ng isa pang pasahero mula Jakarta, Indonesia sakay ng PAL flight PR -536 na lumapag sa NAIA terminal 1. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News