dzme1530.ph

Iba’t ibang modus sa pagdedeliber ng iligal na droga sa New Bilibid Prison, ibinunyag sa pagdinig sa Senado

Inisa-isa ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang mga problema sa sistema sa kanilang ahensya kabilang na ang mga iregularidad sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Inamin ni Catapang na naging sentro ng mga iligal na aktibidad ang BuCor kabilang na ang paggamit sa mga preso sa mga krimen sa labas ng kulungan at maging sa operasyon ng iligal na droga dahil sa laganap na paggamit ng cellphones.

Sinabi ng pinuno ng BuCor na marami sa mga preso ang nagagamit sa krimen sa katwirang kahit mahuli sila ay babalik lamang sila sa kulungan at hindi rin basta mahuhuli dahil kontrolado ng BuCor ang mga bisita sa loob ng bilangguan.

Ibinunyag din ni Catapang ang modus na nagpapasok ng itlog ng kalapati sa loob ng NBP at sa sandaling mapisa ay tuturuan na ito sa pagdedeliber ng mga nais nilang ipadala kabilang na ang droga.

Bukod sa kalapati, modus din ang paggamit ng condom ng mga babaeng bisita sa loob ng NBP kung saan inilalagay sa loob ng condom ang mga droga at ipinapasok sa pribadong bahagi ng katawan nito.

Idinagdag pa ng heneral na ang mga minana niyang problema ay nagsimula pa ilang dekada na ang nakararaan.

Sa pag-aanalisa ni Catapang, patuloy ang congestion sa mga kulungan dahil huling nagpatayo ng kulungan ay noon pang 1973 na kaya lamang mag accommodate ay 12,000 na preso subalit ngayon ay nasa mahigit 50,000 na ang mga bilanggo.

At kahit anya nagpapalaya sila ng 500 preso kada buwan, may mga pumapasok namang bagong bilanggo na 1,000 bawat buwan.

Naging kultura anya sa loob ng kulungan ang kawalan din ng sense of duty sa mga tauhan ng BuCor kaya’t isa sa ginawa niyang hakbang ay palitan ang lahat ng mga tauhan.

Nakapag-dismantle na rin anya sila ng 2,812 na kubol habang nakakumpiska na sila ng 3,292 na iba’t ibang kagamitan kasama na ang 10 baril, granada, homemade shotgun, mga cellphone at iba pang electronic devices. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author