Tututukan na rin ang iba pang maritime territory ng Pilipinas sa pinalakas na maritime security at maritime domain awareness, sa ilalim ng Executive Order no. 57 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa National Security Council (NSC), dahil sa dinagdagang mga miyembro at pinaigting na kapangyarihan ng National Maritime Council, magiging saklaw na nito ang buong pilipinas.
Sinabi ni NSC Spokesman at Assistant Director General Jonathan Malaya na madalas ay tinututukan lamang ang sitwasyon sa West Philippine Sea, ngunit mayroon din umanong mga hamon kinahaharap sa Benham Rise sa silangang bahagi ng bansa, Batanes sa hilagang bahagi, at ang karagatan sa timog na nakaharap sa Indonesia at Malaysia.
Kaugnay dito, sinabi ni Malaya na asahan na umano na mas maraming maririnig na updates ang publiko hinggil sa iba pang maritime domain.