dzme1530.ph

Iba pang kaso ng pagpatay sa mga teenager, pinabubusisi sa Senado  

Nais ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang magkakasunod na kaso ng pagpatay sa ilang mga kabataan na kinasasangkutan ng mga pulis.  

Sa kanyang Senate Resolution 776 at 777, nais ni Hontiveros na magsagawa ng investigation in aid of legislation ang Senate Committees on Women, Children, Family Relations and Gender Equality at ang Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa tumataas na bilang ng mga kabataang napapatay ng mga pulis.  

Iginiit ng senadora na bagama’t hindi pa natatapos ang pagsisiyasat sa pagpatay ng anim na pulis Navotas sa 17 anyos na si Jemboy Baltazar ay panibagong kaso ng pamamaslang ng mga pulis ang nangyari sa 15 anyos na si John Frances Ompad sa Rodriguez, Rizal.  

Pinaslang si Ompad ilang linggo lang matapos ang pagpatay ng mga pulis kay Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’.  

Katulad ni Baltazar, si Ompad ay nadamay lang din matapos makarinig ng magkakasunod na putok sa labas ng kanilang bahay.  

Kinilala ang pulis na nakapatay sa biktima na si Corporal Arnulfo Sabillo na kung saan ang puntirya dapat ay ang kanyang kapatid na sinita at hinabol nito habang nagmomotor.  

Nakasaad sa resolusyon na batay sa mga independent reports, tinatayang aabot sa 129 na mga kabataan ang napaslang sa pagitan ng 2016 at 2020. 

Batay sa impormasyon 40% ng child killings ay kagagawan ng mga pulis habang ang natitira ay gawa ng mga hindi pa kilalang salarin. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author