Simula sa Lunes, August 7, ay hindi na papayagan ang pagsasagawa ng hybrid hearing, meeting at session sa Senado.
Inanunsyo ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri alinsunod sa Presidential Proclamation 297 na nagtanggal na sa pinairal na public health emergency sa bansa dahil sa COVID-19.
Ngayong halos balik na sa pre-pandemic level ang mga aktibidad sa bansa, sinabi ni Zubiri na babalik na din sila sa dating paraan ng pagsasagawa ng mga meeting at committee hearing kung saan ay physically present ang mga senador at mga imbitadong resource persons.
Matatandaang ipinatupad ang hybrid hearing at meeting noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan pinayagang lumahok via online ang mga senador at mga resource person sa bawat hearing o meetings.
Nilinaw naman ni Zubiri na muling papayagan ang hybrid setup kung magkaroon muli ng deklarasyon ng public emergency. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News