Kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na magkakaloob ang Hungary ng $33 milyon o katumbas ng ₱1.9 bilyong loan sa Pilipinas para sa pagtatayo ng water treatment at desalination facility.
Layunin nitong mapabuti ang access ng mga Pilipino sa malinis na tubig at mapalakas ang kakayahan ng bansa laban sa epekto ng climate change.
Ayon kay Zubiri, na siya ring pangulo ng Philippines–Hungary Parliamentary Friendship Group, ang proyekto ay patunay ng lumalalim na ugnayan ng dalawang bansa, lalo na sa mga programang tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.
Sinabi ni Zubiri na mahalaga ang proyekto dahil magdadala ito ng konkretong solusyon sa kakulangan ng tubig sa mga lokal na komunidad, lalo na sa mga coastal areas kung saan limitado ang freshwater supply.
Matagal nang kaibigan ng Pilipinas ang Hungary na tumutulong hindi lamang sa mga humanitarian efforts kundi maging sa pagbibigay ng scholarship at trabaho para sa mga Pilipino sa sektor ng agrikultura at information technology.