Sa pagsasara ng sesyon kagabi para bigyan daan ang campaign period ng nalalapit na May 12, 2025 midterm elections, taas nuong sinabi ni House Spkr. Martin Romualdez na isinulong nila ang interes ng Sambayanan, nilabanan ang pwersa ng kadiliman at hindi sila umatras sa kampon ng kasamaan.
Sa talumpati ni Romualdez, inilarawan nito ang 19th Congress bilang ‘vanguard of progress, custodian of justice, at taga-hulma sa kinabukasan ng bawat Filipino.
Aniya, hindi lang ito sentro ng debate kundi pandayan ng aksyon at reporma.
Kanila umanong pinanday ang mga batas na nararamdaman sa bawat tahanan ng ordinaryong Pilipino, working class, kabataan at lalo’t higit sa mga underserved.
Ngayong 19th Congress isinagawa rin ang high-profile investigations, ilan dito ang maling paglustay sa confidential at intelligence funds, POGO, illegal drugs, extrajudicial killing, mataas na presyo ng bigas at pagkain, elektrisidad at iba pa.
Sa huli binalaan nito ang mga nagsasamantala sa posisyon para sa personal gain na kasaysayan ang huhusga sa kanila, at ang kasaysayan ay walang puwang sa mga duwag.