Hinikayat ng 2nd Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Education at Department of the Interior and Local Government na magkaroon ng koordinasyon sa bawat isa upang matiyak na laging kasama ang pagtatayo ng mga paaralan sa mga planong housing projects.
Ito ay makaraang punahin ng EDCOM 2 ang kawalan ng eskwelahan sa mga pabahay program ng gobyerno para sa informal settlers sa nagdaang 10-taon.
Sinabi ni EDCOM 2 Exec. Dir. Karol Mark Yee, lumabas sa mga datos na karamihan sa mga silid-aralan na congested o siksikan ay nasa mga lugar ng pabahay projects ng gobyerno partikular sa National Capital Region at sa mga lalawigan ng Rizal at Cavite sa Region 4A.
Inihalimbawa ng EDCOM 2 ang Calubcob Elementary School na itinayo sa government resettlement project sa Naic, Cavite na mayroong dalawang standard-sized na classroom at anim na makeshift na silid-aralan kung saan pinagkakasya ang may 1,800 na estudyante.
May naitala ring congested classrooms sa Laguna, Bulacan at Pampanga kung saan inihabol lamang ang paglalagay ng paaralan.
Hiniling din ng EDCOM 2 na repasuhin ang Batas Pambansa no. 220 ukol sa socialize housing projects kung saan optional lamang nag pagtatayo ng eskwelahan.
Iginiit ng EDCOM 2 na hindi maaaring tayo lang ng tayo ng bahay at kinalaunan ay ang DepEd na ang mamroblema sa eskwelahan.