dzme1530.ph

House Speaker Martin Romualdez, tiniyak na mabibigyan ng pondo ang Regional Specialty Centers Act

Siniguro ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mabibigyan ng pondo ang Republic Act 11959 o Regional Specialty Centers Act, na nilagdaan kahapon ni PBBM.

Ayon kay Romualdez, sa pamamagitan ng RA 11959 mailalapit sa taumbayan lalo na sa mahihirap ang serbisyong medikal dahil maglalagay ng specialty center sa bawat regional hospitals.

Dahil sa budget season ngayon, ipasisilip ng presidential cousin kung may nakalaang pondo para sa specialty centers sa proposed P5.768-T 2024 National Expenditure Program.

Aatasan ni Romualdez ang Committee on Appropriations para siguruhin na mapopondohan ang bagong batas sa taong 2024.

Sa oras na maitatag ang regional specialty facilities, hindi na aniya kailangan pang lumuwas ng Metro Manila ang mga nasa probinsya o liblib na lugar para sa specialized treatment.

Sa ngayon pawang nasa Metro Manila pa lamang ang mga specialty hospitals tulad ng Heart Center, Kidney Center, Lung Center, Children’s Medical Center at Orthopedic Hospital. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author