Gagawin nang regular ng Kamara ang pagbisita sa mga pamilihan o palengke para bantayan ang presyo ng bigas, sibuyas at iba pang pangunahing bilihin.
Kanina, pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbisita sa Commonwealth Market at Nepa Q-Mart kasama si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
Sa interview kay Romualdez, kinumpirma nito na palagian na silang magsasagawa ng surprise inspection sa mga pamilihan para tingnan ang aktuwal na presyuhan at supply.
Sinabi nito na mahalagang nalalaman nila sa kongreso first-hand ang presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin, kasabay ng pakikinig sa saloobin ng mga nagbebenta at namimili.
Sa ilang nagtitinda na kinausap nila Romualdez at Tulfo, kinumpirma nilang nagtaas sila ng presyo dahil nagmahal din ang presyo ng imported na bigas sa pandaigdigang merkado mula Vietnam at Thailand, habang kulang pa rin ang ani ng lokal na mga magsasaka.
Una nang sinabi ng presidential cousin na nagkaroon na naman ng pagtaas sa presyo ng sibuyas matapos maibenta ng mga magsasaka sa wholesalers ang kanilang ani.
Ibig sabihin, iniipit na naman sa mga cold storage facilities ang sibuyas para lumikha ng artificial shortage sa supply dahilan para tumaas ang presyo nito. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News