dzme1530.ph

House Speaker Martin Romualdez, pinabulaanan ang espekulasyon kaugnay sa ICC Probe

Mariing pinabulaanan ni House Speaker Martin Romualdez na siya ang nasa likod ng dalawang resolusyon na nag-uudyok sa gobyerno na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong War on Drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Tugon ito ni Romualdez matapos ibunyag ni Atty. Harry Roque na iaakyat at aaprubahan sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo ang resolusyon ni Manila Congressman Benny Abante, Jr. at Albay Congressman Edcel Lagman.

Sa Press Conference sa PICC kung saan co-host si Romualdez at Senate President Miguel Zubiri sa 31st Annual Meeting for the Asia-Pacific Parliamentary Forum, sinabi nito na iginagalang niya ang opinyon ni Roque na isang kaibigan.

Subalit lahat aniya ng espekulasyon hingil sa ICC Probe at pagtakbo niya bilang Pangulo sa 2028 ay pawang walang katotohanan.

Paliwanag pa nito, ang dalawang resolusyon na inihain ng mga Kongresista ay marapat lamang na dinggin dahil lahat ng kasapi ng Kamara ay may karapatan na sabihin o gawin kung anoman ang saloobin nila.

—Ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author