dzme1530.ph

House Speaker Dy itinanggi ang insertions sa bicam deliberation ng 2026 DPWH budget

Loading

Tinawag na “inaccurate at misleading” ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga alegasyon ng umano’y insertions na nangyari sa deliberasyon ng Bicameral Conference Committee sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang media statement, sinabi ni Dy na nais nitong itama ang kumakalat na espekulasyon hinggil sa umano’y palihim na pagdaragdag ng pondo sa bicam proceedings.

Giit ni Dy, walang nangyaring insertions dahil ang lahat ng probisyon sa panukalang budget ay dumaan sa tamang proseso.

Paglilinaw pa nito, ang panukalang budget ay inaprubahan ng buong Kamara sa ikatlong pagbasa bago pa man nagsimula ang bicameral conference committee.

Ayon kay Dy, maling-mali ang espekulasyon dahil ang tungkulin ng bicam ay pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara, at hindi para magpasok ng bagong probisyon o maglusot ng hindi napagkasunduan.

Dagdag pa ng House Speaker, bilang pinuno ng Kamara, naninindigan ito sa malinis, maayos, at tapat na proseso ng paggawa ng pambansang budget.

Aniya, ginagawa ng Kongreso ang budget hindi para sa pansariling interes kundi para sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.

About The Author