Kinumpirma ni National Unity Party Chairman at House Deputy Speaker Ronaldo Puno na magbibitiw ngayong hapon si House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Puno, nabigla sila sa pahayag ng Speaker dahil ang alam ng mga party leaders ay leave of absence lamang ang kanyang kukunin.
Paliwanag umano ni Romualdez, habang patungo siya sa Malacañang kahapon para makipag-usap kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., napagdesisyunan niyang tuluyang bitawan ang pagiging Speaker.
Ginawa raw ito ni Romualdez upang personal na harapin ang mga paratang laban sa kanya at para maalis ang duda na iniimpluwensyahan niya ang mga imbestigasyon.
Dagdag pa ni Puno, matagal nang nais magbitiw ng Speaker at suportado ito ng kanyang pamilya.
Pinayuhan din niya si Romualdez na magpaalam hindi lamang sa mga party leaders kundi sa buong Kamara, bagay na gagawin nito sa open session ngayong hapon.