Inikot nina Senator Risa Hontiveros at Senator Win Gatchalian ang ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Hub na isinasangkot sa iba’t-ibang krimen tulad ng prostitusyon, human trafficking, torture, kidnapping for ransom at online scams.
Ito ay bago sinimulan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Protection ang pagdinig hinggil sa mga paglabag ng Smart Web Technology na nasa #50 Williams St, sa Pasay City.
Dismayado si Hontiveros sa nakitang bloodstain sa torture chamber ng POGO hub gayundin ang aquarium kung saan anya nagaganapnang prostitusyon.
Nais ding busisiin ng kumite ang anya’y cottage industry ng pamemeke ng TIN ID, Philhealth at Certificate of Alien Registration at iba pang mga dokumento na ginagamit ng Chinese Nationals para magamit sa kanilang pagtatrabaho.
Ikinagagalit naman ni Gatchalian na matapos maging human trafficking hub ay nagiging human slavery hub na rin ang mga POGO hub.
Naniniwala ang senador na hindi ito kayang gawin ng ordinaryong kriminal.
Aminado naman si Gatchalian na natatakot siyang mas lalala pa ang mga ganitong krimen sa Pilipinas kung saan pati ang mga kababayan nating Filipina ay biktima na din.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News