dzme1530.ph

Hindi pagpapatupad ng reset sa Meralco, posibleng magresulta sa mas mataas na singil sa kuryente

Nagbabala si Sen. Sherwin Gatchalian na posibleng tumaas ang singil ng Meralco sa mga susunod na buwan.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi na ituloy ang ikalimang regulatory reset ng distribution rate ng Meralco, na sumasaklaw ng taong 2022 hanggang 2026.

Nababahala si Gatchalian na kung walang pag-reset ng rate, maaaring hindi tumugma ang singil ng Meralco sa antas ngayon ng ekonomiya na posibleng magresulta sa mas mataas na gastos sa kuryente.

Ang rate reset ay proseso na isinasagawa ng ERC upang suriin at i-adjust ang distribution rate na sinisingil ng mga utility companies tulad ng Meralco.

Tinitiyak nito na ang mga singil ay naaayon sa aktwal na gastos ng paghahatid ng kuryente, isinasaalang-alang ang inflation, mga gastos sa operasyon, at ang Weighted Average Cost of Capital (WACC).

Ipinaliwanag ng senador na ginawa ito sa National Grid Corporation of the Philippines, at kailangan ding ipatupad sa Meralco dahil sa tinatawag na market power at katayuan bilang monopolyo sa NCR at mga kalapit na lugar. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author