dzme1530.ph

Hindi pag-uwi ni suspended Cong. Arnie Teves, indikasyon na guilty —SOJ REMULLA

Naglabas ng maikling pahayag si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa naudlot na pag-uwi ni suspended Congressman Arnolfo Teves.

Ayon kay Remulla, ang hindi pag-uwi ni Teves sa bansa ay isang indikasyon na “guilty” ito sa mga kinakaharap na alegasyon.

Sinabi pa ni Remulla, hindi niya alam kung anong dahilan ng hindi pagbabalik bansa ni Teves kahit pa may tiket na ito para makauwi ng bansa base na rin sa nakuha niyang impormasyon.

Matatandaan na inihayag ni Remulla na ngayong araw nakatakdang bumalik ng Pilipinas si Teves at tiniyak na hindi pa ito maaaring arestuhin dahil hindi pa naman ito nasasampahan ng kaso.

Bukod dito, sinabi pa ng kalihim na malayang magtungo ng kongreso si Teves o umuwi ito ng kanilang tahanan dahil wala pang warrant na inilabas ang korte.

Matatandaang ngayong araw nakatakdang sampahan ng kaso si Teves base na rin sa naunang pahayag ni Remulla. —sa ulat ni Felix Laban

About The Author