Pinuna ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang hindi pa rin pagpapatupad ng dinobleng social pension para sa mga senior citizens.
Ginawa ni Villanueva ang pagpuna sa gitna ng pagtalakay ng Senado sa Senate Bill No. 2028 o ang pagpapalawak ng saklaw ng Centenarians Act of 2016.
Sinabi ni Villanueva na nakatatanggap sila ng mga ulat na hanggang sa ngayon ay kalahati lamang ng ayuda sa ilalim ng Republic Act (RA) 11916 o Social Pension for Indigent Seniors Act ang tinatanggap ng mga may edad 60 taong gulang pataas.
Nilagdaan noong isang taon ang batas na nagmamandato na itaas sa P1000 ang P500 social pension ng indigent senior citizens.
Samantala, umaasa si Senador Ramon Bong Revilla Jr. na maipapasa na sa Senado ang Senate Bill No. 2028 na naglalayong bigyan din ng financial grants ang mga 80 at 90 taong gulang bukod sa P100,000 para sa mga umabot ng 100 taong gulang.
Ayon kay Revilla na hindi na dapat paghintayin ang mga senior citizen ng hanggang 100 taon bago makakuha ng nararapat na cash benefits para sa kanila.
Sa ilalim ng panukala pagkakalooban ng P10,000 ang mga 80 taong gulang at P20,000 sa 90 yrs old. –sa ulat Dang Garcia, DZME News