Kinuwestyon ni Sen. Jinggoy Estrada ang naging pagtrato ni PNP-CIDG Chief Pol. Maj. Gen. Nicolas Torre III sa ilang mga taong nakapalibot kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang maaresto ito noong Marso 11.
Kasama rin sa hindi nagustuhan ng senador ay ang hindi pagpayag ni Torre na papasukin sa Villamor Air base ang anak ng dating Pangulo na si Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, nilinaw ni Estrada na hindi niya pinoprotektahan o dinidipensahan ang dating Pangulo lalo na’t kaalyado siya ng kasalukuyang administrasyon.
Inamin ni Estrada na nasaktan siya sa naging pagtrato ni Torre sa kampo ng dating Pangulo.
Tinukoy ng senador ang paghila ni Torre sa isang bodyguard ng dating Pangulo at ang hindi pagbibigay ng pagkakataon kay VP Sara na makausap ang kanyang ama.
Sinabi naman ni Torre na ang misyon nila nang mga araw at oras na iyon ay madala na ang dating Pangulo sa eroplano upang malipad na sa The Hague.
Naninidigan ang heneral na nabigyan nila ng sapat na panahon ang dating Pangulo na makausap at makasama ang abogado niya habang nasa loob ito ng Villamor Airbase.