dzme1530.ph

Hiling na paharapin sa Senado si dismissed Mayor Alice Guo sa Lunes, inaprubahan ng Capas Tarlac RTC

Inaprubahan na ng Capas Tarlac RTC ang kahilingan ng Senate Committee on Women na paharapin sa pagdinig ng Senado sa Lunes si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa order na ipinadala kay Sen. Risa Hontiveros na pirmado ni Judge Sarah Verdana-delos Santos, inaatasan ang PNP Custodial Center dalhin si Guo sa Senado sa Lunes Alas-10 ng umaga.

Una rito ay sumulat si Hontiveros sa regional trial court ng Capas, Tarlac at maging sa Custodial Center ng PNP upang hilingin ang presensya ni Guo sa kanilang pagdinig.

Ang pagdinig ay nakatutok sa POGO operations sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga.

Inaasahan ding dadalo sa pagdinig si Cassandra Li Ong na nasa kustodiya naman ng Kamara at si Shiela Guo na nakakulong sa detention center ng Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author