Nagpahiwatig si Senador Grace Poe na mahihirapan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na makuha ang hinihinging P300-M na confidential fund para sa susunod na taon.
Iginiit ni Poe na kailangang dipensahan nang maayos ng DICT ang pangangailangan para sa confidential fund.
Ito ay sa gitna anya ng mababang utilization rate ng ahensya sa kanilang 2023 budget na sa ngayon ay nasa 32% pa lamang.
Ayon kay Poe, maaari namang ibigay ang kahilingang confidential fund subalit dapat ito ay saklaw sa pinapayagan ng Commission on Audit (COA).
Ipinaalala ni Poe na maaaring gamitin ang confidential fund kung meron silang kailangang imbestigahan na mga katulad ng text scam.
Maaari anyang gagamitin ang pondo para magbigay ng reward sa mga informers, kumuha ng safehouse para sa mga magre-report o bumili ng mga supplies o equipment para matunton ang mga kawatan.
Ayon kay Poe, hindi pa rin malinaw kung paano nagamit ang intelligence funds ng DICT noong 2019 na P400-M at 2020 na P800-M o kabuuang P1.2-B.
Kaya naman sa budget hearing anya bukas ay kanila itong bubusisiin. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News