dzme1530.ph

Hiling na dagdag pondo ng PCO para sa susunod na taon, ‘di pa tiyak na maibibigay

Loading

Hindi matiyak ni Sen. Loren Legarda na kakayanin ng Senado na maibigay ang hinihiling ng Presidential Communications Office (PCO) na dagdag na ₱1.1 billion sa kanilang panukalang 2026 budget.

Sa pagtalakay ng panukalang budget, sinabi ni PCO Sec. Dave Gomez na gagamitin ang dagdag na pondo sa modernisasyon ng kagamitan ng PTV 4, retrofitting sa Philippine Information Agency (PIA), at para sa retirement benefits ng mga empleyado ng IBC 13.

Ipinaliwanag ni Legarda na pag-aaralan pa nila ang hiling ng PCO dahil kailangan munang makita kung mayroon silang pagkukunan ng dagdag na pondo.

Nakuwestyon naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang 5,000% na pagtaas ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng PCO, mula ₱4 million ay naging ₱252 million.

Ayon kay Gomez, ito ay bunsod ng hosting ng bansa para sa ASEAN meeting na nangangailangan ng pondo para sa advertising, bukod pa sa roadshow sa iba’t ibang bansa.

Samantala, nasilip ng mga senador ang pagmamantina ng dalawang TV stations ng gobyerno.

Sinabi ni Legarda na hindi dapat pumapasok sa negosyo ang gobyerno at hindi nito kailangan magkaroon ng dalawang TV stations na kapwa problematic.

Binigyang-diin naman ni Gatchalian na sapat na ang isang government TV station at pag-aralan nang isapribado ang isa pang istasyon.

About The Author