Umabot na sa higit 1,200 miyembro at tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) ang na-neutralize ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, bunga ito ng sunod-sunod na operasyon ng militar laban sa rebeldeng grupo.
Mula Enero 1 hanggang Agosto 14 ngayong taon, naitala ang kabuuang 1,298 CTG members at supporters na sumuko, naaresto, o napatay. Sa bilang na ito, 1,138 ang sumuko, 86 ang napatay sa operasyon, at 74 ang naaresto.
Bukod dito, narekober at isinuko rin ng mga rebelde ang iba’t ibang uri ng armas at anti-personnel mines.
Giit pa ni Padilla, tuloy-tuloy ang operasyon ng militar laban sa CTG upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bansa.
Dagdag pa nito, hindi sila titigil sa paghikayat sa mga natitirang miyembro na magbalik-loob sa pamahalaan, talikuran ang armadong pakikibaka, at mamuhay nang mapayapa.