Aabot na sa 102 kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election ang pinadalhan ng show cause order notice ng Commission on Elections (COMELEC).
Ito’y ayon sa COMELEC dahil sa mga natanggap nilang reklamo hinggil sa posibleng paglabag sa patakaran ng eleksyon kabilang na ang premature campaigning.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia sa DZME 1530, araw-araw na silang maglalabas o maghahain ng show cause order sa mga kandidato na inirereklamo sa kanilang tanggapan.
Aniya, nais ng COMELEC na marinig ang paliwanag ng mga kandidato hinggil sa inihain na reklamo sa kanila bago sila maglabas ng desisyon.
Ilan sa mga natanggap na reklamo ng COMELEC ay ang paglalagay ng mga tarpaulin ng kandidato na kahit pa aniya tanggalin na ito ay isisilbi pa rin sa kanila ang show cause order.
Muling babala ng COMELEC sa mga kandidato sa Barangay at SK Election na mahigpit na ipinagbabawal ang early campaigning kasabay ng panggigiit na sa October 19 pa hanggang October 28 ang simula ng campaign period. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News