dzme1530.ph

Hepe ng Rodriguez police, sinibak sa puwesto kaugnay ng pagkamatay ng 15 anyos na binatilyo

Inalis sa puwesto ang hepe ng Rodriguez police na si Lt. Col. Ruben Piquero dahil sa command responsibility kasunod ng pagkakapaslang ng tauhan nito sa isang 15 anyos na binatilyo.

Sinabi ni PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo na si Piquero ay pinalitan ni Police Lt. Col. Arnulfo Silencio, na magsisilbing Officer-in-Charge ng Rodriguez police.

Noong Aug. 24 ay nasawi ang biktima na si John Francis Ompad makaraang magpaputok ng baril si Police Corporal Arnulfo Gabriel Sabillo sa direksyon ng kapatid ng binatilyo na hinahabol nito sa Barangay San Isidro.

Sa inisyal na pagsisiyasat, sakay ng kanyang motorsiklo pauwi ng bahay ang 19 anyos na si John Ace, kuya ni John Francis, nang harangin at habulin ito ni Sabillo at ng isang Jeffrey Beluan Baguio.

Apat na beses umanong nagpaputok ng baril si Sabillo sa direksyon ni John Ace, at tinamaan si John Francis na lumabas ng kanilang bahay. –sa panulat ni Lea Soriano

About The Author