dzme1530.ph

Heightened alert, itinaas sa 42 paliparan sa bansa

Itinaas sa heightened alert ang lahat ng 42 commercial airports ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) simula ngayong araw, Oktubre a-6, kasunod ng babala na natanggap ng Air Traffic Service sa pamamagitan ng email na ang mga sasakyang panghimpapawid mula sa Maynila, patungo sa Puerto Princesa, Mactan Cebu, Bicol, at Davao International Airport ay may banta ng isang bomba.

Habang kinukumpirma pa ang impormasyon ay ipinatupad na agad ang mahigpit na security measures sa lahat ng Paliparan.

Sa isang Memorandum na inilabas ni MGen. Ricardo Banayat, AFP (Ret.) Assistant Director General II ng CAAP Security and Intelligence Service (CSIS), lahat ng CAAP airports at area centers ay dapat dagdagan ang sapat na security personnel upang pamahalaan ang inaasahang dami ng mga pasahero at trapik ng mga sasakyan.

Ito’y upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero, tauhan ng paliparan, at mga pasilidad.

Nakikipagtulungan ang mga tauhan ng CAAP-CSIS sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) at Military Authority.

Ang patuloy na foot at mobile patrol ay isinasagawa din sa loob ng airside at landside area ng airport complex.

Pinapayuhan ang mga pasaherong babiyahe sa ibang bansa na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang nakatakdang paglipad upang maiwasan ang anumang abala.

Hinihimok din ang publiko na makipagtulungan sa mga security personnel at manatiling mapagbantay habang nasa paliparan.

Ang kaligtasan at seguridad ay nananatiling pangunahing priyoridad, at ang mga hakbang na ito ay ginagawa para pangalagaan ang lahat ng gumagamit ng paliparan. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author