Hinimok ni Sen. Christopher “Bong” Go ang health authorities na magpatupad ng proactive steps sa gitna ng sinasabing pagtaas ng kaso ng COVID-19 variant NB 181.
Sinabi ni Go na dapat gawing science-based ang mga hakbang upang matiyak na magiging epektibo ang bawat hakbanging ipatutupad.
Ang mahalaga aniya ay nakahanda ang gobyerno at alam ng lahat kung nasaan na ang banta, at kung sapat ang mga hakbang na ginagawa ng mga ahensya para harapin ito.
Kinikilala naman ni Go ang mga pag-aaral na isinasagawa sa iba’t ibang bansa kaugnay sa naturang variant subalit ipinaalala na nananatiling vulnerable ang Pilipnas dahil sa open borders nito at high volume ng inbound travelers.
Tanong ng senador sa Department of Health kung ano ang sistema ng kanilang monitoring sa mga pumapasok na pasahero at kung handa ba ang mga ospital kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan ng transparency at information-sharing, partikular na ang mga datos na nagmumula sa ibang bansa.
Tiniyak ni Go na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga reporma para palakasin ang healthcare system ng bansa at maging handa sa banta sa kalusugan.