Nanawagan muli ang Palasyo kay former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na bumalik na ng bansa at harapin ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya ng House Quad Committee kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal POGO operations.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Usec. Atty. Claire Castro, na wala nang dahilan si Roque para manatili pa sa The Netherlands lalo na’t nabanggit na rin ni Vice President Sara Duterte na hindi ito magiging parte ng defense team ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Aniya, sa bibig na mismo ni Roque nanggaling na may hawak itong dokumento para mapatunayan na walang basehan ang mga ibinibintang laban sa kaniya.
Bwelta ni Castro, ilabas na ni Roque ang mga dokumentong ilang buwan nang inaantay ng House Quad Comm lalo na ng taumbayan.
Dagdag pa nito, mas magandang patunayan muna ni Roque na wala siyang kasalanan at walang katotohanan ang mga ibinabatong kaso sa kaniya bago siya tumulong sa dating Presidente.