dzme1530.ph

Harry Roque, nagpaliwanag sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu ng iligal na POGO

Nilinaw ni dating presidential spokesperson, Atty. Harry Roque na kailanman ay hindi siya nagsilbing legal counsel sa alinmang iligal na POGO o naging abogado ng Lucky South 99.

Ginawa ni Roque ang paglilinaw matapos ihayag ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco sa Senate hearing kahapon, na ang dating opisyal ang tumulong sa sinalakay na POGO firm sa Porac, Pampanga para makapag-apply uli ng lisensya.

Sinabi ni Roque na malinaw naman sa pahayag ni Tengco na siya ang nag-request para ma-reschedule ang pagbabayad ng arrears ng lessee at principal ng kanyang kliyente na Whirlwind Corporation.

Idinagdag ng dating presidential spokesman na ang kanyang kliyente ay service provider sa Lucky South 99 na noo’y holder ng valid license mula sa PAGCOR.

Ayon kay Tengco, July 2023 nang samahan ni Roque si Katherine Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Lucky South 99, sa meeting sa kanyang opisina para pag-usapan ang mga problema sa billing ng POGO firm mula sa PAGCOR.

About The Author