Lumabas sa pag-aaral ng mga estudyante sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology na nahaluan na ng microplastics ang nalalanghap ng mga tao sa Metro Manila.
Ikinasa ang experiment mula December 16 hanggang 31, kung saan kumuha ang grupo ng 864 cubic meters na hangin sa bawat lungsod sa NCR at nakitaan ng 155 suspended atmospheric microplastics ang lahat ng 17 sampling stations.
Ayon din sa pag-aaral na inilathala noong Marso sa Environmental Science and Pollution Research, ang Mandaluyong at Muntinlupa ang may pinakamataas na lebel ng microplastics sa hangin habang pinakamababa naman sa Malabon.
Binigyang diin ni Dr. Hernando Bacosa na bukod sa mapanganib sa baga ng tao ang makalanghap ng microplastics, ay marami pang sakit ang maaaring makuha dito.
Dahil dito ipinanawagan ni Bacosa sa publiko na mas mainam pa rin na magsuot ng facemask dahil bagamat nakatutulong ang mga puno para maibaba ang antas ng microplastics sa hangin, hindi pa rin ito sapat. —sa panulat ni Jam Tarrayo