Hanggang ₱20-M reward ang alok ng pamahalaan kapalit ng impormasyon para masakote ang mga smuggler at hoarders ng agricultural products.
Alinsunod ito sa bagong batas na Republic Act 12022 o the Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at Spokesman Arnel de Mesa, na sa ilalim ng R.A. 12022, ang smuggling at hoarding ay maituturing na economic sabotage kapag ang mga nakumpiskang produkto ay umabot sa mahigit ₱10 Million.
Idinagdag ni de Mesa na nakasaad din sa bagong batas na ang mga mapatutunayang guilty ay habambuhay na makukulong, at walang inirekomendang piyansa, at pagmumultahin ng limang beses ng halaga ng nakumpiskang farm products.
Binigyang diin ng DA official na mahalaga ang naturang batas, sa gitna ng pakikipag-kompetensya ng smuggled products sa mga lokal na produkto. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera