dzme1530.ph

Handog na medical mission, youth forum ni Pasig City mayoralty aspirant Sarah Discaya, nagpapatuloy

Muling nagkasa ng medical mission para sa matatanda’t lokal ng Pasig at youth forum naman para sa mga kabataan ng lungsod si Pasig City mayoralty aspirant Sarah Discaya nitong Sabado, Nobyembre 23, sa Karangalan Covered Court, Barangay Dela Paz, Pasig City.

Sa pangunguna ng St. Gerrard Charity Foundation at ng “Team Kaya This” naipaabot ang mga libreng gamot at iba pang serbisyong medikal gaya ng medical check-up, dental services, eye check-up and glasses, medical lab services, X-ray, at ECG sa mga residente ng Pasig.

Namigay rin si Discaya ng libreng wheelchairs, walking canes o tungkod, mga saklay at iba pang lifestyle services na makikita sa medical mission tulad ng massage, haircut, manicure, at pedicure.

Ang mga serbisyong ito ay sinabayan pa ng pet vaccination habang namimigay ng mainit na pagkain ang mobile kitchen ni Discaya na mas kilala bilang “Kusina ni Ate Sarah”.

Ayon kay Discaya, layon ng inisyatiba ng kanilang grupo na ilapit ang mga libreng gamot sa mga senior citizen upang hindi na pumunta ang mga ito sa mga health center.

Bukod rito, naghatid din ng libreng kaalaman ang grupo nina Ate Sarah para sa mga kabataan sa isang youth forum na ginanap sa MMI Building, Dr. Sixto Antonio Avenue, Pasig City.

Kung saan ipinabatid sa mga batang Pasig ang kahalagahan ng tamang pagboto, paghalal ng mga tamang lider, at iba pang kaalaman tungkol sa voters education bilang paghahanda sa nalalapit na midterm elections.

Naging posible ang naturang forum sa pagtutulungan ng Pasig Smart Youth Movement at education team ng St. Gerrard Charity Foundation.

Ang St. Gerrard Charity Foundation ay kinilala bilang Outstanding Non-Government Organization of the Philippines sa Gawad Pilipino Lingkod Bayan Awards 2024 bunsod ng katapatan nitong pagtulong sa mga nangangailangan.

About The Author