Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlong unclaimed parcels na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng ₱8.8 milyon sa isang warehouse sa Pasay City.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, idineklara ang mga naturang parcel bilang electronic equipment at garments ay naharang sa x-ray screening at isinailalim din sa K-9 sweeping.
Sa isinagawang physical inspection, natuklasang naglalaman ang isang parcel ng 992 gramo ng shabu, habang ang dalawa pang parcels ay may kabuuang 1,936 gramo ng high-grade marijuana o kush.
Kasunod nito, isinailalim na sa kustodiya ng BOC-NAIA ang mga kontrabando habang hinihintay ang confirmatory laboratory testing at karagdagang imbestigasyon.