Halos kalahati o 49 porsyento ng pamilyang Pilipino, o tinatayang 13.7 milyong pamilya, ang itinuring ang kanilang sarili na mahirap noong ikalawang quarter ng taon, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas din sa resulta ng June 25–29 survey na nilahukan ng 1,200 respondents, na 10 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing nasa “borderline poor” sila, habang 41 porsyento ang nagsabing hindi sila mahirap.
Binanggit ng SWS na bahagyang bumaba ang porsyento ng mga nagsabing hindi sila mahirap, mula 42% noong April 23–28 survey, habang bumaba rin sa 49% ang nagsabing sila ay mahirap, mula sa 50% o 14.1 milyong pamilya noong Abril.