Pumalo sa mahigit 15,000 jobseekers ang nagpatala sa job fairs ng pamahalaan sa buong bansa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa, kahapon, May 1.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa 15,049 applicants, 673 dito ang natanggap o na-recruit on the spot.
Nangunguna sa mga trabahong ito ang service crew, financial advisor, production clerk, cashier at driver.
Dagdag pa ng DOLE nakapag-refer sila ng aabot sa 2,500 na aplikante sa ibang ahensya gaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Samantala sa isinagawang mega job fair ng DMW, mayroon ding nasa 15,000 na job opening sa mga bansang Canada, Australia, New Zealand, Japan, Hungary at United States.
Kasunod nito, binigyang diin ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na pinili lamang nila ang mga ahensyang kalahok para maiwasan ang mga scam. —sa panulat ni Jam Tarrayo