Kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na halos 100,000 POGO workers ang hindi pa rin nadedeport habang nasa 1,370 na ang nadeport at 1,172 na ang na-repatriate.
Sa deliberasyon sa panukalang 2025 budget, sinabi ni Poe na may iba’t ibang sitwasyon ang mga 100,000 workers.
Sa ngayon aniya ay patuloy pa ang pag-downgrade sa working visa ng mga manggagawa.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Poe na batay sa report ng Immigration, may 20,349 na mga Pinoy ang na-offload o hindi pinayagang makabiyahe palabas ng bansa dahil sa kaduda-dudang mga dahilan at mga dokumento.
Pinakamarami sa mga ito ay kulang ang travel documents.
Iminungkahi naman ni Sen. Raffy Tulfo na maglagay ng CCTV cameras na masasagap ang pag-uusap ng Immigration officers at pasaherong na-ooffload upang matiyak na tama ang proseso sa imbestigasyon.
Sinabi naman ni Poe na mayroon namang mahigpit na guidelines ang Immigration sa offloading at maaaring magreklamo sa Ombudsman o sa Civil Service Commission ang mga naaagrabyado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News