Patuloy ang isinasagawang Joint Metro and Regional Development Council meeting sa Camp Crame sa pagitan ng MMDA, DILG, at mga alkalde ng Metro Manila.
Tinalakay sa pulong nina Interior Sec. Jonvic Remulla, MMDA Chairman Atty. Don Artes, at mga Metro Manila mayor ang mga hakbang para mapaluwag ang trapiko, kabilang na ang posibilidad ng pagbabawal ng parking sa mga inner street.
Kinamusta ni Remulla ang sitwasyon sa bawat lungsod at hinimay ang mga epekto ng pagbabawal ng paradahan sa loobang kalsada. Ilan sa mga suhestyon ay ang one-side parking sa piling oras, “no garage, no car” policy, at pagbibigay ng insentibo sa mga establisyimentong may sapat na parking area.
Giit ni MMDA Chairman Artes, mahigpit nang ipinagbabawal ang pagparada sa mga pangunahing kalsada, at Mabuhay Lanes, dahil ito ay mga alternatibong ruta para sa mga motoristang iniiwasan ang trapik.
Gayunman, ang regulasyon sa inner streets ay ipinaubaya na ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan.
Batay sa 2024 traffic index, nasa 500,000 bagong pribadong sasakyan ang naidagdag noong nakaraang taon, dahilan ng lalo pang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila, bukod pa sa paglago ng populasyon at limitadong espasyo sa mga lansangan.