Nagdeklara na ng state of calamity ang Caloocan City, Marilao, Bulacan, Valenzuela City bunsod ng patuloy na epekto ng pinalakas na habagat at ng mga tropical cyclone Crising, Dante, at Emong.
Ginawa ang deklarasyon matapos maiulat ang malawakang pinsala sa mga imprastraktura sa mga nabanggit na lugar.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa disaster response at recovery efforts sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, handa ang gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga inilikas na indibidwal dahil sa malawakang pagbaha dulot ng matitinding pag-ulan.
Dagdag pa ng kalihim, may available na pondo na maaaring gamitin para sa mga matinding naapektuhan ng sama ng panahon.
Ipinahayag din ni Pangandaman na ang availability ng calamity funds ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mabibigyan ng agarang atensyon at suporta ang mga biktima ng kalamidad.