Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang isasara sa trapiko ang bahagi ng Guadalupe Bridge sa EDSA sa Oktubre sa susunod na taon.
Sinabi ni MMDA Acting Chairperson Romando Artes na sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang repairs sa outer lanes ng 60-year-old na tulay pagkatapos ng konstruksyon ng temporary bridge.
Tiniyak ni Artes na hangga’t hindi nagagawa ang temporary bridge ay walang pagsasarang gagawin.
Paglilinaw ng MMDA Chief, dalawang outer lanes lamang ang isasara, na nasa labas ng red lines habang ang inner lanes ng EDSA Guadalupe ay hindi maaapektuhan.
Sa pagtaya ni Artes, tatagal ang konstrusyon ng temporary bridge ng 10-buwan habang ang rehabilitasyon ng Guadalupe bridge ay inaasahang makukumpleto sa loob ng 17-buwan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera