Pumayag na ang Government Service Insurance System (GSIS) na pamahalaan ang pension system ng Military at Uniformed Personnel (MUP).
Ito ang kinumpirma ni Senate Committee on National Defense chairman Jinggoy Estrada kasunod ng kanyang pakikipag-ugnayan sa economic team.
Samantala, inihayag din ni Estrada na marami sa mga aktibong sundalo ang tutol sa ipinapanukalangg 5% na kontribusyon na ikakaltas sa kanilang buwanang sahod.
Ito ay kahit noon naman anya ay kinakaltasan na ang mga sundalo ng kontribusyon para sa Retirement and Separation Benefits System.
Ipinaliwanag ng senador na para sa mga mababang ranggo na sumasahod ng P29,000 ay malaki na ang 5% kontribusyon.
Inirekomenda naman ng senador sa economic team na pag-aralan ding ibenta o ipa-lease ang mga properties ng RSBS na maaari ring magamit sa pension fund.
Tiniyak naman ng senador na bukas siyang muling magsagawa ng pagdinig kung kinakailangan at nakatakda na rin anya siyang makipagpulong kay Defense Secretary Gilberto Teodoro para pag-usapan ang panukalang sistema. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News