dzme1530.ph

GSIS, naglunsad ng tatlong programa kabilang ang pabahay para sa gov’t workers kasabay ng ika-86 anibersaryo

Naglunsad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng tatlong bagong programa kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-86 na anibersaryo.

Sa seremonya sa GSIS head office sa Pasay City, inanunsyo ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso ang Pabahay para sa Bagong Bayani na Manggagawa (PBBM) sa Pamahalaan Program.

Magkakaroon ito ng tatlong components kabilang ang rent-to-own scheme, extension ng housing loan condonation program hanggang 2025, at pagpapatayo ng disenteng low-cost housing para sa government workers.

Kaugnay dito, itatayo ang high-rise condominium buildings sa Fairview, Quezon City at Cogeo, Antipolo, kung saan ilalagay ang units na may dalawang kwarto na magkakahalaga ng P1.6-M, at aalukin ang mga benepisyaryo ng abot-kayang financing plan na walang down payment, at payable sa loob ng 30 taon sa halagang P12,000 kada buwan.

Iginiit ni Veloso na nakakadurog ng pusong makita ang isang kawani ng pamahalaan na magre-retiro nang walang sariling bahay.

Samantala, inilunsad din ng GSIS ang MPL Flex Program na magtatakda ng mas-mahaba at mas-magaang payment period sa multi-purpose loan mula isa hanggang labinlimang taon, na may interest rate na 6% per annum.

Ipinakilala rin ang GSIS touch, ang mobile application tampok ang facial recognition para sa proof-of-life ng mga miyembro lalo na ng matatanda at mga may kapansanan.

Ito ay upang hindi na nila kailanganin pang personal na magtungo sa GSIS offices para sa proof-of-life process. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author