Pinaiimbestigahan ni Sen. Risa Hontiveros ang umano’y kuwestiyonable na investment ng Government Service Insurance System (GSIS) sa online gambling company DigiPlus.
Sa kanyang privilege speech, binanggit ni Hontiveros na nag-invest ng mahigit ₱1 bilyon ang GSIS sa nasabing kumpanya kahit pa ipinagbabawal sa mga kawani ng gobyerno ang pagsusugal.
Giit niya, bumagsak ang presyo ng shares ng DigiPlus mula ₱65.30 sa ₱13.68, dahilan ng malaking pagkalugi.
Nabanggit din na sinuspinde ng Ombudsman si GSIS President and GM Arnulfo Veloso at anim pang executives dahil sa pag-invest ng P1.45B sa Alternergy Holdings na umano’y baon sa utang.
Ayon pa sa 2023 COA report, nalugi rin ang GSIS ng ₱251M sa investments sa tatlong kumpanya na walang maayos na track record.
Hinimok ni Hontiveros ang Senado na pag-aralan kung dapat amyendahan ang charter ng GSIS. Handa namang imbestigahan ni Sen. Erwin Tulfo ang investment sa DigiPlus.