Nanawagan ang food manufacturers at bakers sa Department of Trade and Industry (DTI) na aprubahan na ang matagal nang inihihirit na dagdag-presyo sa sardinas at tinapay, na itinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Isinusulong ng Sardines Association of the Philippines ang hanggang ₱3.00 taas-presyo sa sardinas na nasa lata, na nasa dalawang taon na nilang inihihirit sa DTI.
Ayon sa grupo, nadagdagan na ang minimum na sweldo at taas-baba ang presyo ng gasolina, habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng isda.
Samantala, humihirit din ang PhilBaking ng ₱5.00 increase sa presyo ng Pinoy Tasty Bread at Pandesal, matapos ang mahigit isa’t kalahating taon na napako ang kanilang presyo.
Ikinatwiran naman ng grupo ng bakers na nahihirapan na silang i-subsidize ang gastos para sa murang tinapay. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera