dzme1530.ph

Gov’t agencies na namamahala ng flood control at management programs, siningil at sinumbatan

Siningil at sinumbataan ng mga senador ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na namamahala ng mga flood control at management programs ng gobyerno, na pinondohan ng trilyong pisong halaga sa loob ng 10-taon.

Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works kaugnay sa malawakang pagbaha sa pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, ipinaalala ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na noong isang taon ay may commitment na sila para sa solusyon sa pagbaha.

Partikular na tinukoy ni Revilla ang Department of Public Works and Highways gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority at iba pang ahensya ng gobyerno.

Binigyang-diin ng senador na hindi katanggap-tanggap ang mga unang idahilan ng pagbaha tulad ng tambak na basura, baradong drainage, poor urban planning at climate change dahil ang mga ito aniya ay dapat maagang nabibigyan ng solusyon.

Naging irrelevant aniya ang 5,500 na flood control projects simula noong 2022 at ang inilaang ₱244.57-B  na pondo para sa flood control dahil ang naramdaman at nakita ng taumbayan ay ang lampas tao na baha.

Tulad ni Revilla, hinanap nina Senators Imee Marcos, Nancy Binay, Joel Villanueva, Francis Tolentino at JV Ejercito ang master plan ng mga ahensya ng gobyerno na dapat anila ay basehan ng mga programa para sa baha.

Iginiit ni Revilla na dapat whole of government approach ang ipinatutupad sa flood management measures upang matiyak na well-coordinated at well-planned ang lahat.

Sinabi naman ni Binay na mahirap tanggapin na 15-taon matapos ang Ondoy at sa kabila ng mga feasibility studies na pinondohan ng gobyerno at maging ng World Bank ay tila walang pagbabago ang sitwasyon ng bansa sa pagbaha.

Nais namang tukuyin ni Villanueva sa pagdinig ang tunay na aksyon ng mga ahensya ng gobyerno dahil paulit-ulit na lamang anila ang mga hearings.

About The Author