Inaprubahan na ng Senado sa third and final reading ang panukalang naglalayong isaayos ang mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng executive branch para sa mas epektibong serbisyo sa publiko.
Sa botong 22-0, inaprubahan ang Senate Bill No. (SBN) 890 o ang proposed Government Optimization Act na ang may pangunahing may-akda ay si Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Target ng optimization bill na mabawasan ang redundancies sa mga ahensya ng gobyerno at gawing simple ang mga regulasyon at proseso.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi ito naglalayong magsagawa ng lay-offs o basta na lamang alisin ang mga empleyado sa gobyerno.
Sakop ng rightsizing program ang lahat ng mga ahensya sa executive branch kasama ang mga Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs).
Hindi naman kasama ang mga nasa lehislatura, hudikatura, constitutional commissions, Office of the Ombudsman, mga lokal na pamahalaan at teaching-related positions.
Exempted rin ang mga military and uniformed personnel (MUP) mula sa Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Justice (DOJ).