Tiniyak ni Finance Sec. Ralph Recto na tatalima ang pamahalaan sakaling ipag-utos ng Supreme Court na ibalik ang sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), subalit nagbabala ito ng posibleng epekto.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments hinggil sa excess funds ng PhilHealth, sinabi ni Recto na kapag ipinasauli ng SC ang pera, isasama nila ito sa National Expenditure Program para sa taong 2026.
Gayunman, binigyang diin ng Kalihim na kapag nangyari ito ay posibleng hindi maabot ng pamahalaan ang deficit target ngayong taon.
Dagdag pa ni Recto, kapag hindi naabot ang deficit targets ngayong 2025, maaring hindi makamit ng Pilipinas ang inaasam na credit rating upgrade na inaasahan sa susunod na 18-buwan.
Noong nakaraang taon ay nag-remit ang PhilHealth ng ₱60-B sa National Treasury habang pinigil ng SC ang paglipat ng natitirang ₱29.9-B.