Aabot sa mahigit P96-B ang posibleng malikom ng gobyerno sa loob ng limang taon mula 2024 hanggang 2028 sa sandaling maisabatas ang pangongolekta ng value added tax (VAT) sa mga digital transactions.
Ito ang inihayag ni Finance Undersecretary Dakila Napao sa pagtalakay ng Senate Committee on Ways and Means sa panukalang patawan ng VAT ang mga non-resident digital service providers.
Nilinaw ng opisyal na hindi ito nangangahulugan ng bagong buwis kundi pagpapalakas lang sa awtoridad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mangolekta ng mga VAT sa mga digital transaction.
Ipinaliwanag nito na sa ngayon ay hindi malinaw sa Tax Code ang pangongolekta ng VAT mula sa mga produkto at serbisyong inaalok ng mga dayuhang digital service provider.
Kabilang sa mga matatawag na foreign digital service providers ay ang Spotify at Netflix.
Kaya naman anya para wala nang kalituhan ay isinusulong na maisabatas ang pangongolekta sa kanila ng VAT.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi papatawan ng buwis ang mga serbisyo at produkto na laan para sa pag-aaral na sesertipikahan ng Department of Education. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News