dzme1530.ph

Gobyerno, pinaghahanda ng subsidiya sakaling lumagpas sa $80 ang presyo ng bawat bariles ng Dubai crude

Loading

Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa pambansang pamahalaan na maging handa sa pagbibigay ng subsidiya sa mga pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ay sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Gatchalian, mula June 16 hanggang 18 ay naitala sa average na $74.04 per barrel ang presyo ng Dubai crude.

Ngunit kung ito ay lumampas sa $80 kada bariles, dapat agad ipatupad ng gobyerno ang mga nakalaang subsidiya sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Iginiit ng senador na dapat ilunsad ang ₱2.5 bilyong nakapaloob sa budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga PUV driver, taxi operator, tricycle driver, at mga full-time na driver ng ride-hailing at delivery services sa buong bansa.

Mayroon din aniyang ₱150-M pondong nakalaan sa ilalim ng budget ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisda na siguradong maaapektuhan ng taas-presyo sa langis.

Binigyang-diin ng senador na ang subsidiya ay napakahalagang suporta upang maibsan ang pasanin ng mga sektor na direktang tinatamaan ng oil price hike.

About The Author